Nanawagan ang World Health Organization o WHO sa agarang tigil-putukan sa silangang bahagi ng Democratic Republic of the Congo upang mapigilan ang patuloy na pagkalat ng Ebola, kasabay ng pagtaas ng bilang ng mga kaso sa rehiyon.

Ayon sa WHO, ang nagpapatuloy na labanan sa lugar ay nagdudulot ng malawakang paglikas ng mga residente at nagiging dahilan ng pagdami ng kaso sa mga siksikang evacuation at displacement camps.

Sinabi ng WHO Director-General na si Tedros Adhanom Ghebreyesus na ang sitwasyon sa silangang Congo ay kombinasyon ng matinding krisis sa kalusugan at patuloy na armadong kaguluhan, partikular sa lalawigan ng Ituri kung saan mabilis ang pagkalat ng sakit kumpara sa tugon ng mga awtoridad.

Nanawagan siya sa lahat ng naglalabanang grupo na agad magpatupad ng tigil-putukan upang mapigilan ang pagkalat ng Ebola, dahil hindi aniya epektibong maipapatupad ang pagresponde kung may patuloy na pambobomba at labanan.

Iniulat na mahigit 900 ang pinaghihinalaang kaso at higit 200 ang pinaghihinalaang nasawi sa tatlong lalawigan sa silangang Congo, kabilang ang North Kivu na kontrolado ng mga rebeldeng suportado umano ng Rwanda, at South Kivu na hawak naman ng ibang armadong grupo.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa Save the Children, nasa isang-kapat ng mga kumpirmadong nasawi ay mga bata, kaya nanawagan din ito ng mas pinalakas na mga hakbang sa pag-iwas sa impeksiyon.

Sa kabila ng mga pagsisikap ng mga international mediator, nagpapatuloy pa rin ang labanan sa rehiyon habang milyon-milyong tao ang lumikas na sa kanilang mga tahanan.

Iniulat din ng United Nations refugee agency na lampas na sa kapasidad ang mga transit at reception sites sa Uganda na malapit sa border ng Congo.

Habang patuloy ang pagpadala ng tulong at mga tauhan sa apektadong lugar, nananatiling hamon ang pag-atake sa mga health worker dahil sa kawalan ng tiwala ng ilang komunidad. Tinatayang nasa 500 milyong dolyar na ang naipangakong donasyon para sa outbreak response, ngunit hindi pa lahat ay naipapamahagi.