
Pinaiigting ng lokal na pamahalaan ng Baggao, Cagayan ang mga preventive measures laban sa African Swine Fever (ASF) matapos muling kumalat ang sakit sa lalawigan ng Isabela.
Ayon kay Municipal Agriculturalist Ghiner Manding, isa sa mga pangunahing hakbang na isinasagawa ay ang pagpapatupad ng Executive Order na nagtatakda ng mga checkpoint sa tatlong pangunahing entry point ng bayan sa barangay Alba, barangay Bitag Pequeño, at barangay Masikal upang masala ang mga papasok na live at dressed na baboy.
Kabilang sa mga sinusuri sa mga checkpoint ay ang mga dokumento at pirma ng beterinaryo na nagpapatunay na malusog ang mga baboy na dinadala.
Bukod dito, inatasan na rin ng opisina ang lahat ng 48 barangay ng bayan na mag-ulat agad sakaling may mapansing sintomas ng ASF upang maagapan kaagad.
Hinimok din ni Manding ang mga hog racers na magpa-insure ng kanilang alagang baboy sa PCIC sa pamamagitan ng municipal agriculture office.
Libre ang insurance para sa hanggang 10 heads ng baboy, at may indemnity o financial assistance na ibabalik sa mga hog growers sakaling matamaan ng ASF ang kanilang mga alaga.
Nagpaalala rin si Manding sa publiko na magtulungan upang maiwasan ang muling pagpasok ng ASF na nagresulta sa malaking pagkalugi ng industriya ng pagbababoy sa Baggao noong nakaraang taon.










