
Napilitang ibenta sa mas mababang presyo ng ilang hog raisers sa Solana, Cagayan ang kanilang mga alagang baboy kasunod ng 45 araw na quarantine at movement restriction sa bayan bunsod ng African Swine Fever o ASF.
Ayon kay Municipal Veterinary Officer Dr. Ryan Perez, bumaba ang presyo ng live hogs dahil kakaunti ang buyers, kaya napipilitan ang ilang raisers na tanggapin ang mababang presyo dahil kailangan din nila ng pera.
Nakaapekto ang ASF sa Barangay Sampaguita, Nangalisan at Lanna, kung saan pansamantalang ipinagbabawal ang paglabas at pagkakatay ng mga baboy.
Gayunman, sinabi ni Perez na wala pang kakulangan sa suplay ng karneng baboy sa Solana dahil patuloy ang operasyon ng slaughterhouse para sa mga baboy na hindi galing sa mga apektadong lugar.
Posibleng dahilan ng pagpasok ng sakit ay ang pagpunta ng mga pribadong technician sa mga bakuran, hindi maayos na paglilinis ng kulungan, at pagpapakain ng mga tirang pagkain.










