Sampung babae kabilang ang isang 16-anyos ang nasagip ng National Bureau of Investigation (NBI) sa magkahiwalay na entrapment operation sa Tuguegarao City.

Ayon kay Atty Gelacio Bongngat, ibinubugaw umano ang mga babaeng nailigtas sa halagang P1,600 hanggang P2,000 sa customer ng dalawang bar sa Macapagal St.

Sa naturang operasyon, naaresto ang may-ari ng isang bar na si Romeo Soriano at cashier sa dalawang bar na sina Michelle Ramos at Amelita Clemente makaraang tumanggap ng marked money bilang kabayaran sa dalawang napiling babae ng NBI na nagpaggap bilang kustomer.

Dagdag pa ni Bongngat na nakatakbo ang ilan sa mga menor de edad na babae nang isagawa ang operasyon.

Iginiit naman ng mga suspek na hindi nila alam na may menor-de edad na nagtatrabaho bilang Guest Relation Officer sa bar.

-- ADVERTISEMENT --

Inihahanda na ng NBI ang kasong paglabag sa RA 9208 o Expanded Trafficking in Persons Act of 2012 laban sa mga suspek.