
Natanggap na ng Senado ngayong Lunes, Mayo 18 ang suspension order ni Senate Acting Sergeant-at-Arms Mao Aplasca at subpoena sa CCTV footages ng naganap na barilan sa Senado noong Mayo 13, ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano.
Kinumpirma ito ni Clavano matapos mamataan ang dalawang personnel mula sa Office of the Ombudsman sa premises ng Senado nitong umaga ng Lunes.
Matatandaang nauna nang sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na tumanggi ang Senado na tanggapin ang subpoenas para sa CCTV footage at mga dokumento kaugnay kay Aplasca, na isinailalim sa anim na buwang suspensiyon nang walang sahod habang nakabinbin ang imbestigasyon ng Ombudsman.
Kasalukuyan ngang iniimbestigahan ng Ombudsman ang nangyaring shooting incident sa ikalawang palapag ng Senado noong nakalipas na linggo, kung saan nauna nang inamin ni Aplasca na siya ang unang nagpaputok ng warning shot sa kasagsagan ng komprontasyon sa pagitan nila ng tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI), bilang bahagi aniya ng “rules of engagement.”









