Nasawi ang isang 11-buwang gulang na sanggol habang sugatan ang kanyang ina at lola matapos pagbabarilin ng di pa nakikilalang suspek sa isang karinderya sa Barangay Gregorio, San Pablo City kagabi.
Kinilala ang mga biktima na sina Catherine Cuenca Lunar (11 buwang gulang, nasawi), Rhea Cuenca Lunar (30, sugatan sa balikat), at Mercelita Cuenca Lunar (56, sugatan sa hita).
Ayon sa pulisya, kumakain ang mag-iina bandang alas-10 ng gabi nang biglang dumating ang dalawang lalaki at pinaputukan sila.
Mabilis na tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo patungong Maharlika Highway.
Isinugod sa ospital ang mga biktima, ngunit idineklarang dead on arrival ang sanggol.
Patuloy ang imbestigasyon at manhunt operation ng San Pablo City PNP upang matukoy ang motibo at madakip ang mga salarin.