Umabot nasa 136 na kaso ng dengue ang naitala sa buong lalawigan ng Nueva Vizcaya, mula Enero 1 hanggang Pebrero 8 ng taon na ito ayon kay Dr. Anthony Cortez, Health Officer ng Provincial Health Office (PHO) ng nasabing lalawigan.

Aniya, habang tumataas ang bilang ng mga kaso sa limang munisipalidad, ipinahayag ni Dr. Cortez na ang sitwasyon ngayong taon ay hindi pa kasing seryoso ng nangyari noong nakaraang taon.

Sa 2024, umabot sa halos 4,800 ang mga kaso ng dengue sa lalawigan, isang malaking pagtaas kumpara sa kasalukuyang taon.

Bilang pag-iingat at upang mapigilan ang patuloy na pagkalat ng dengue, nagpatupad ng agarang hakbang ang pamahalaang panlalawigan.

Aniya, magbibigay ang Provincial Government ng mga kemikal para sa fogging o pagspray sa mga apektadong munisipalidad, pati na rin ng mga portable plastic sprayer na may kapasidad na 2 litro.

-- ADVERTISEMENT --

Layunin umano nitong mapigilan ang pagdami pa ng kaso at matulungan ang bawat tahanan na maging aktibo sa paglaban sa dengue.

Dagdag pa ni Cortez na tuturuan din ang mga residente ng mga munisipalidad kung paano magsagawa ng pagspray sa kanilang mga bahay upang maiwasan ang mga lamok na nagdadala ng sakit.

Ayon kay Cortez, ang unang limang munisipalidad na makikinabang ay ang Solano, Bayombong, Casibu, Bambang, at Aritao—mga lugar na nakapagtala ng hindi bababa sa sampung kaso ng dengue.

Ang mga hakbang na ito ay pinondohan ng pamahalaang panlalawigan, na nagsisilbing proactive na aksyon upang mapigilan ang mas malawak na pagkalat ng sakit.

Ayon kay Dr. Cortez, hindi nila hihintaying tumaas pa ang bilang ng mga kaso, kaya’t mahalaga ang mabilis na pagtugon sa mga lugar na may mataas na insidente ng dengue.