Nasa pangangalaga ngayon ng Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City ang isang 17-anyos na lalaki na pumatay sa isang 14-anyos at Grade 10 student na babae sa bayan Abulug, Cagayan noong August 25 ng umaga.

Sinabi ni PCapt. Junjun Torio, hepe ng PNP Abulug na nagtamo ng 11 saksak sa leeg, sa likod at sa katawan ang biktima.

Bukod dito, nasaktan din ang apat na taong gulang na lalaki na kapatid ng biktima matapos siyang iuntog ng suspek nang tulungan niya ang kanyang ate.

Sinabi ni Torio na dinala sa psychiatric department ng CVMC ang suspek dahil sa kanyang dating record na mula sa isang mental institution sa Antipolo at maging sa boys town.

Sa imbestigasyon, sinabi ni Torio na kinompronta ng biktima ang suspek na kanya ring kamag-anak dahil may nakakita umano na siya ang kumuha sa kanyang cellphone, kung saan nagkaroon sila ng pagtatalo.

-- ADVERTISEMENT --

Umalis ang suspek at pagbalik ay may dala na siyang kutsilyo na walang hawakan at sinaksak ng maraming beses ang biktima.

Sinabi ni Torio na wala umanong nakapansin sa ginawa ng suspek sa biktima at sa kanyang kapatid na nagkataon na wala ang kanilang ina na pumunta sa groserya.

Naghihinagpis ang ina nang madatnan ang nangyari sa kanyang mga anak.

Sa ngayon ay inoobserbahan sa ospital ang batang kapatid ng biktima.

Sinabi ni Torio na matapos ang insidente, ay may nakakita na sumakay siya sa isang van at pumunta sa kanyang ama sa Barangay Curva swa bayan ng Pamplona.

Ayon kay Torio, isinuko ng ama ang kanyang anak na dumating sa kanyang bahay na duguan pa at may sugat din sa kanyang hinlalaki.

Nabatid na nagtatrabaho sa abroad ang ama ng biktima.