Nagpahayag ng suporta ang Assumption Student Council ng Assumption College San Lorenzo sa petisyon na alisin ang larawan ni Senador Loren Legarda sa Wall of Empowered Women ng paaralan.

Sa inilabas na pahayag ng student council, sinabi nitong hindi na umano sumasalamin sa mga pinahahalagahan ng Assumption ang kamakailang aksyong pampulitika ni Legarda.

Ito ay matapos bumoto si Legarda pabor kay Senador Alan Peter Cayetano bilang bagong Senate President sa gitna ng kontrobersiya kaugnay ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon sa konseho, nagdulot ng pag-aalala ang timing ng pagbabago ng liderato sa Senado dahil maaari umano itong makaapekto sa pag-usad ng impeachment trial.

Iginiit din ng student council na walang sinumang opisyal ng gobyerno ang dapat malibre sa pamantayan ng etikal na pamumuno at pananagutan.

-- ADVERTISEMENT --

Hinimok din nito ang komunidad ng Assumption na suportahan ang petisyon at nanawagan kay Legarda na linawin ang kanyang mga naging aksyon at muling ipakita ang kanyang paninindigan para sa accountability at hustisya.

Sa isang Facebook post, makikita rin umano na blangko na ang frame kung saan dating nakalagay ang larawan ni Legarda sa hanay ng mga kinikilalang kababaihan ng paaralan.