
Binatikos ni Metropolitan Manila Development Authority o MMDA General Manager Nicolas Torre III si National Police Commission o NAPOLCOM Commissioner Ralph Calinisan kaugnay ng umano’y maagang paghusga sa isang pulis na nasangkot sa viral na insidente ng panunulak sa kapwa motorista.
Sa kanyang social media post noong Mayo 15, sinabi ni Torre na hindi dapat maging instrumento ang NAPOLCOM sa trial by publicity laban sa mga pulis na sumasailalim pa lamang sa imbestigasyon.
Ayon kay Torre, maraming pulis ang naaapektuhan ang pangalan, karera, at pamilya dahil sa umano’y padalos-dalos na pahayag kahit hindi pa tapos ang proseso ng pagdinig.
Iginiit din niya na mahalagang pairalin ang due process at hindi dapat mauna ang public condemnation bago ang pormal na imbestigasyon at evaluation ng kaso.
Matatandaang sinabi ng NAPOLCOM na maaaring managot hindi lamang ang pulis na sangkot sa insidente kundi maging ang imbestigador at hepe ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Group o QCPD-CIDG.
Binigyang-diin naman ni Torre na ang pagpapanatili ng disiplina sa hanay ng kapulisan ay hindi nangangahulugang pinapayagan ang pang-aabuso, ngunit dapat ding maprotektahan ang mga tauhan laban sa hindi patas na paghusga.









