
Iniulat ng Philippine Coast Guard o PCG ang muling pagdami ng mga Chinese research at militia vessels sa loob ng Exclusive Economic Zone o EEZ ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, nakapagtala ang ahensya ng hindi pangkaraniwang pagdami ng Chinese oceanographic research vessels sa mga nakalipas na araw.
Kabilang sa mga namonitor ang Chinese research vessel na Xiangyang Hong 33 na una nang pinaalis ng PCG matapos maharang malapit sa Rozul Reef. Bahagya na umano itong lumayo sa EEZ ngunit nananatili pa ring malapit sa bahagi ng Palawan.
Namataan din ang Xiangyang Hong 302 at Xiangyang Hong 31, kung saan nananatili pa rin umano sa loob ng EEZ ng Pilipinas ang huli.
Sinabi ni Tarriela na posibleng nagsasagawa ng marine scientific research ang mga barko gaya ng pagmamapa sa seabed at pagsusuri sa agos at tides, ngunit hindi pa malinaw ang tunay na layunin ng mga ito.
Binigyang-diin ng PCG na walang pahintulot mula sa Pilipinas ang mga nasabing barko para magsagawa ng pananaliksik sa loob ng EEZ, na kinakailangan sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.
Bukod sa research vessels, namataan din ang mga Chinese militia vessels malapit sa Pag-asa Island at Escoda Shoal na nasa loob ng EEZ ng bansa.
Ayon sa PCG, paiigtingin pa nito ang pagpapatrolya sa West Philippine Sea upang bantayan at hamunin ang mga dayuhang barkong pumapasok sa teritoryo ng Pilipinas.










