TUGUEGARAO CITY-Umaabot sa 160 sako ng bigas ang kaagad na ipinadala ng Police Regional Office no. 2 (PRO 2) bilang tulong sa mga nasalanta ng super typhoon Rolly partikular sa Southern Luzon.
Ayon kay Regional Director P/Brig. Gen Crisaldo Nieves ng PRO 2, ito ay bilang tugon sa programa ng PNP National Office na muling pagbuhay ng “bayanihan spirit” lalo na sa panahon ng krisis.
Tinawag rin itong hatid tulong para sa mga nasalanta ng bagyo sa pamamagitan ng inisyatiba ng food bank management ng PRO 2.
Kaugnay nito, sinabi ni Nieves na mananatili ang kanilang command na makahanap ng pamamaraan at mangolekta ng mga donasyon para tugunan ang mga mangunahing pangangailangan ng mga naapektuhang residente.
Matatandaan, maraming kabahayan ang nasira at inilikas matapos manalasa ang super typhoon Rolly na itinuturing na pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayong taon.
Samantala,una na ring isinailalim sa full alert status ang PNP-Region 2 reactionary Stand by support force (RSSF) para sa posibilidad na pangangailangan ng National Capital Region ng dagdag na tauhan na ipapadala sa mga apektadong lugar.
Ang stand by team ay binubuo ng mga sumailalim sa training sa search and rescue operation at relief operation.