
Mariing itinanggi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na may utos mula sa pamahalaan upang arestuhin si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa sa gitna ng tensyon at lockdown sa Senado nitong Miyerkules ng gabi.
Nagkaroon ng lockdown sa Senado matapos ang ulat na may mga hindi kilalang indibidwal na umano’y nagtatangkang pumasok sa gusali, kasabay ng balitang may planong pag-aresto.
Ilang sandali pa ay pitong putok ng baril ang narinig mula sa loob ng Senado dahilan upang magtago at manatili sa kani-kanilang opisina ang mga senador at empleyado.
Sa kanyang video message, sinabi ng Pangulo na pinaalis na umano niya ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Senado matapos lumabas ang resolusyon ng Korte Suprema, at sumunod naman aniya ang ahensya.
Kasabay nito, nilinaw ni Marcos na walang kinalaman ang gobyerno sa putukan at walang sundalo, militar, o tauhan ng NBI na pumasok sa Senado bago ang insidente.
Ayon sa Pangulo, ang mga pulis, Marines, at tauhan ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms na nasa paligid ng Senado ay naka-deploy lamang para sa seguridad at crowd control.
Iniutos na rin umano ang sabayang imbestigasyon ng Philippine National Police at Senado upang matukoy kung sino ang nasa likod ng kaguluhan at kung may kinalaman ito sa destabilization effort.
Nanawagan naman si Marcos sa publiko na manatiling kalmado habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.










