Niyanig ng isang karumal-dumal na krimen ang Brgy. Talogoy, Malita, Davao Occidental matapos matagpuang wala nang buhay ang isang 17-anyos na ina at ang kanyang 6-buwang sanggol sa loob ng kanilang tahanan, matapos umano silang pagtatagain ng sariling kinakasama dahil sa matinding selos.

Ayon sa ulat ng Davao Occidental Police, nadiskubre ang bangkay ng mag-ina kamakailan matapos magreklamo ang mga kapitbahay sa masangsang na amoy mula sa kanilang bahay.

Base sa pagsusuri, tinatayang tatlo hanggang apat na araw nang patay ang mga biktima, na kapwa nagtamo ng malalalim na taga sa ulo at leeg.

Narekober din sa crime scene ang duguang gulok na pinaniniwalaang ginamit sa karumal-dumal na krimen.

Lumalabas sa imbestigasyon na may kasaysayan na ng karahasan ang suspek, matapos itong ipatawag sa barangay noong Abril 15, 2025 dahil sa pananakit sa biktima, na pinaniniwalaang may kaugnayan sa motibong selos.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad at puspusan na ang pagtugis sa suspek na hanggang ngayon ay hindi pa natutunton.