TUGUEGARAO CITY-Hindi na umabot pang buhay sa pagamutan ang isang menor-de-edad matapos atakihin ng kanyang sakit na epilepsy habang naliligo sa dagat sa bayan ng Aparri, Cagayan.

Ayon kay P/capt Mario Marraggun, hepe ng PNP-Aparri, nagkayayaan ang biktima na si Dominic Tubali, 17-anyos at residente ng Brgy. Maura kasama ang kanyang mga kaibigan sa dagat para maligo.

Habang naliligo ang biktima ay biglang inatake ng kanyang sakit na dahilan ng kanyang pagkalunod.

Hindi naman agad napansin ng kanyang mga kasamahan ang biktima kung kaya’t hindi siya agad nasaklolohan.

Aniya, hindi nagpaalam ang biktima maging ang kanyang mga kasama na pupunta sila sa dagat.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, muling nanawagan si Maraggun sa mga residente ng kanyang nasasakupang lugar na manatili lamang sa mga tahanan bilang pagtalima sa Enhanced Community Quarantine para makaiwas sa covid-19.