Tinatayang nasa 2.2 milyong magsasaka, manggagawa at kanilang pamilya ang umaasa sa industriya ng tabako na nanganganib ang kabuhayan dahil sa patuloy na iligal na kalakalan ng produktong tabako sa bansa, ayon sa National Tobacco Administration (NTA).

Sa Third International Tobacco Summit 2026, binigyang-diin ng NTA na hindi lamang kita ng pamahalaan ang nawawala dahil sa smuggling at hindi pagbabayad ng buwis sa sigarilyo, kundi pati ang kabuhayan ng mga komunidad na nakadepende sa industriya.

Ayon sa ahensya, umaabot sa pagitan ng P40 bilyon hanggang P52 bilyon kada taon ang nawawala sa pamahalaan dahil sa iligal na sigarilyo, batay sa pagtaya ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Sinabi ng mga opisyal na ang naturang halaga ay maaaring magamit sana para sa mga serbisyong pampubliko, imprastraktura at iba pang programang pangkaunlaran.

Binigyang-diin din sa summit na ang iligal na kalakalan ng tabako ay hindi lamang usapin ng buwis, kundi isang mas malawak na problema sa ekonomiya, agrikultura, pagpapatupad ng batas at seguridad sa rehiyon.

-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan ang mga kalahok ng mas pinatibay na koordinasyon sa pagitan ng Bureau of Customs (BOC), BIR, Philippine National Police (PNP), Department of Justice (DOJ) at mga lokal na pamahalaan upang mas mapaigting ang operasyon laban sa smuggling.

Iminungkahi rin ang mas malawak na kooperasyon sa pagitan ng mga bansa sa Southeast Asia, kasabay ng pagtukoy na bilyon-bilyong dolyar ang nawawala sa rehiyon dahil sa iligal na kalakalan ng tabako.

Ayon sa mga eksperto, mahalagang sabayan ng mas mahigpit na enforcement ang mga hakbang sa supply chain monitoring at paggamit ng mga teknolohiya tulad ng track-and-trace systems upang masubaybayan ang galaw ng produkto at masawata ang iligal na kalakalan.

Giit ng mga organizer ng summit, mahalaga ang pinagsamang aksyon ng gobyerno at mga kaalyadong sektor upang maprotektahan ang lehitimong industriya at kabuhayan ng milyun-milyong Pilipinong nakasalalay sa sektor ng tabako.