Nasamsam ng mga otoridad ang isang kalibre .38 revolver na may dalawang bala at isang kutsilyo mula sa dalawang menor de edad na mag-aaral sa loob ng Aparri School of Arts and Trade (ASAT) bandang alas-11:30 ng umaga kahapon, Hunyo 26.

Batay sa ulat ng Police Regional Office 2, isang 15-anyos na Grade 10 student na kinilalang alyas “Mushly” ang nahulihan ng baril, habang isang 14-anyos na Grade 8 student na kinilalang alyas “Jake” ang nakuhanan naman ng kutsilyo.

Ayon sa pulisya na pareho silang residente ng bayan ng Aparri, Cagayan.

Isa pang estudyante na kinilalang alyas “Mike” ang isinama rin sa imbestigasyon ngunit wala umanong nakumpiskang anumang ipinagbabawal na gamit sa kanya.

Sa paunang imbestigasyon, nagsasagawa ng visibility patrol ang mga tauhan ng 1st Maneuver Force Platoon (1st MFP) ng 2nd Provincial Mobile Force Company (2nd PMFC) nang makipag-ugnayan sila sa pamunuan ng paaralan kaugnay ng Anti-Bullying lecture.

-- ADVERTISEMENT --

Sa pagdating ng mga pulis sa opisina ng punong-guro, nadatnan nila ang tatlong mag-aaral na ipinatawag dahil sa umano’y komosyon.

Bilang bahagi ng seguridad, pinahintulutan ang pag-iinspeksyon sa laman ng kanilang mga bag, na kanilang kusang-loob na sinunod.

Sa inspeksyon, natuklasan ang baril at patalim na agad na isinuko sa mga otoridad.

Ipinatawag ang mga magulang ng mga menor de edad habang ipinaubaya sa Aparri Police Station ang mas malalim na imbestigasyon at tamang disposisyon ng kaso alinsunod sa batas para sa mga Children in Conflict with the Law (CICL).

Patuloy pang inaalam ng pulisya ang pinagmulan ng baril at ang iba pang detalye ng insidente.