Agad na isinailalim sa kustodiya ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ang dalawang menor de edad na estudyante ng Aparri School of Arts and Trade (ASAT) matapos silang makumpiskahan ng isang kalibre .38 revolver na may dalawang bala at isang kutsilyo sa loob ng paaralan.

Ang mga armas ay natuklasan sa bag ng dalawang estudyante na nadatnan ng pulisya kasama ng isa pa matapos ipatawag sa opisina ng punung-guro dahil sa nangyaring komosyon.

Ayon kay Police Major Sharon Mallillin, tagapagsalita ng Police Regional Office 2, agad na itinurnover sa MSWDO para sa assessment, counseling, at intervention program ang isang 15-anyos na Grade 10 student na nahulihan ng baril at ang isang 14-anyos na Grade 8 student na nakuhanan naman ng kutsilyo.

Habang ang ikatlong estudyante na walang dalang armas ay pinalaya na at nasa kustodiya na ng kanyang mga magulang.

Sinabi ni Mallillin na ipinatawag na rin ng MSWDO ang mga magulang ng dalawang batang sangkot para sa pag-uusap kasama ang principal ng paaralan upang matugunan ang insidente.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya kung ang nakumpiskang baril ay lisensyado o hindi na batay sa 15-anyos na estudyante ay napulot lamang niya ito.