
Minor scratches lamang ang tinamo ng dalawang piloto matapos mag-emergency landing ang isang Cessna aircraft sa Barangay Mapitak, Sto. Niño, Cagayan.
Ayon kay Stephen Escucharo, head ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), agad silang nag-responde kasama ang mga awtoridad at mga residente matapos makatanggap ng ulat ng insidente.
Nauna rito, nag-engine failure umano ang maliit na sasakyang panghimpapawid habang nagsasagawa ng practice maneuver sa lugar.
Dahil sa maagap na pagtugon ng kapitan ng barangay at mga residente, agad na nailigtas ang piloto na si Capt. John Lexter Visperas at ang Indian national na student pilot nito na si Anubhaw Prasad na pawang may minor scratches lamang habang bahagyang nasira naman ang harapang bahagi ng eroplano.
Samantala, pinayagan na ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na alisin ang naturang aircraft sa crash site.
Nakikipag-ugnayan na rin ang lokal na pamahalaan sa pamunuan ng aviation school at kasalukuyang naghihintay sa resulta ng imbestigasyon ng CAAP upang matukoy ang sanhi ng nangyaring aberya sa naturang Cessna aircraft.










