Umabot sa 201.7 millimeters ang naitalang ulan sa Metro Manila sa loob lamang ng limang oras nitong Lunes, Agosto 17, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority o MMDA.

Ayon kay MMDA Chairman Romando “Don” Artes, mula alas-9 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon naitala ang dami ng ulan sa Science Garden sa Quezon City.

Sa loob lamang ng dalawang oras, mula tanghali hanggang alas-2 ng hapon, umabot sa 138.7 millimeters ang ulan.

Dahil sa matinding buhos ng ulan, maraming bahagi ng Metro Manila ang binaha, kabilang ang ilang pangunahing kalsada sa Maynila.

Ayon sa MMDA, mabilis namang humupa ang tubig sa ilang lugar matapos ang 30 minuto hanggang isang oras dahil gumagana ang mga pumping station.

-- ADVERTISEMENT --