
Nakauwi na sa Pilipinas ang 22 Filipino seafarers matapos maapektuhan ng drone strikes ang kanilang mga barko sa Strait of Hormuz at Black Sea.
Ayon sa Department of Migrant Workers o DMW, dumating sa bansa noong Agosto 10 ang mga seafarer na sakay ng M/V Acheloos na may 14 na Pinoy crew at M/V Else na may walong Filipino seafarers.
Nagbigay ng agarang airport at financial assistance ang DMW at Overseas Workers Welfare Administration o OWWA, habang sumailalim din sa initial medical checkup ang mga umuwi.
Inatasan naman ang kanilang mga manning agency na magsagawa ng physical at psychological evaluation at tiyaking matatanggap ng mga seafarer ang lahat ng benepisyo at compensation na nararapat sa kanila.
Samantala, muling pinaalalahanan ng DMW ang mga manning agency na itinuturing na “high-risk” area ang Black Sea at dapat igalang ang karapatan ng mga seafarer na tumangging bumiyahe sa mga delikadong lugar.










