
Inaasahang makakabalik na sa bansa sa Linggo, Hunyo 21, ang 24 na Pilipinong pinalaya mula sa detensyon sa Russia, ayon sa Presidential Communications Office (PCO) nitong Sabado.
Ayon sa PCO, bumiyahe ang grupo mula Krasnoyarsk at sumakay sa Aeroflot Flight SU 814 patungong Bangkok bilang bahagi ng kanilang biyahe pabalik sa Pilipinas.
Pagdating sa Bangkok, sasamahan sila ng Philippine Embassy sa Moscow bago tumuloy sa kani-kanilang connecting flights papuntang Maynila.
Hinati sa dalawang batch ang kanilang pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Labing-anim (6) sa kanila ang inaasahang darating ala-12:05 ng madaling araw sakay ng Philippine Airlines Flight PR 737, habang ang natitirang labingwalo (18) ay darating ala-4:05 ng madaling araw sakay ng PR 733.
Una nang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalaya sa 24 Pilipino matapos ang kanyang pakikipagpulong kay Russian President Vladimir Putin sa Kazan, Russia.
Ayon sa Pangulo, ang mga Pilipino ay nahaharap sa immigration-related issues at sinabing posibleng nabiktima ang mga ito ng ilegal na recruiter.
Patuloy na tututukan ng pamahalaan ang pag-uwi ng mga naturang Pilipino hanggang sa tuluyang makauwi sa bansa.










