Tatlong katao ang naiulat na nasawi dahil sa epekto ng Bagyong Kiyapo (international name: Noul) at ng Habagat, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Batay sa situational report ng NDRRMC nitong Linggo, ang mga naitalang nasawi ay mula sa Davao Region at Soccsksargen, ngunit sumasailalim pa sa beripikasyon. Mayroon ding isang indibidwal na iniulat na nawawala sa Soccsksargen.

Aabot naman sa 41,382 pamilya o 193,576 indibidwal mula sa 258 barangay sa pitong rehiyon ang naapektuhan ng sama ng panahon.

Sa bilang na ito, 2,359 pamilya o 9,380 katao ang nananatili sa mga evacuation center.

Samantala, umabot sa 235 kabahayan ang naitalang nasira sa Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Soccsksargen, at BARMM, kung saan 158 ang bahagyang nasira at 77 ang tuluyang nawasak.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa PAGASA, ang Bagyong Kiyapo ay nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at patuloy na mino-monitor.