Arestado ang isang lalaki matapos umanong gahasain ang isang babaeng may kapansanan sa pag-iisip sa bayan ng Pamplona, Cagayan.

Kinilala ang suspek na si alyas Rommel, 30-anyos, may asawa at residente ng Brgy. San Juan, Sta. Marcela, Apayao habang ang biktima ay nakilala sa alyas Angela, 21-anyos at residente ng Pamplona.

Kasama ang kanyang guardian ay nagtungo sa pulisya ang biktima upang isumbong ang umanoy panghahalay sa kanya ng suspek.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nagtungo ang suspek sa bahay ng biktima upang sabihin na pumunta ito sa bukirin ng kanyang guardian sa Brgy. Centro kung saan naninilbihan ang suspek bilang trabahador.

Ngunit napansin ng biktima na wala namang ibang tao sa bukid bukod sa suspek kung saan dito naman sinamantala ng suspek ang sitwasyon ng biktima at inimbitahan sa loob ng bahay at ginawa ang panggagahasa.

-- ADVERTISEMENT --

Agad namang isinagawa ng pulisya ang hot pursuit operation na nagresulta sa pagkaaresto sa suspek.

Isinailalim naman sa pagsusuring medikal ang biktima ng Rural Health Unit habang nasa pangangalaga ng pulisya ang suspek na mahaharap sa kaukulang kaso.