Hinamon ng mga pamilya ng mga biktima ng umano’y extrajudicial killings sa ilalim ng war on drugs ng nakaraang administrasyon si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na harapin ang mga alegasyon laban sa kanya.

Kasunod ito ng ulat na naglabas umano ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban sa senador kaugnay ng kasong crimes against humanity.

Ayon sa mga naulilang pamilya, dapat umanong panagutan ni dela Rosa ang kanyang naging papel bilang unang hepe ng Philippine National Police at bilang isa sa mga pangunahing tagapagpatupad ng kampanya kontra droga.

Ipinunto rin nila na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos, ngunit si dela Rosa umano ang nagpatupad ng operasyon sa lupa.

Ikinuwento ng ilang pamilya ang matinding sakit at pagdadalamhati na kanilang dinaranas mula nang mapatay ang kanilang mga mahal sa buhay sa mga operasyon noong 2017.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi naman ng mga kaanak ng mga biktima na patuloy nilang hinihintay ang hustisya sa pamamagitan ng mga kasong isinampa sa ICC.

Sa panig ng publiko, nagkaroon din ng sari-saring reaksyon sa insidente ng umano’y pag-iwas ni dela Rosa sa mga NBI agent sa Senado, na naging paksa rin ng diskusyon sa social media.