Ikinabahala ng mga kilalang law dean at propesor mula sa ibat-ibang law school sa bansa ang umanoy tangkang pagharang ng ilang Senador sa impeachment proceedings laban kay VP Sara Duterte sa pagpapalit ng liderato ng Senado at ang biglang pagsulpot ni Sen. Bato Dela Rosa

Sa panayam ng Bombo Radyo, nagbabala si Fr. Ranhilio Aquino, dean ng San Beda Graduate School of Law, sa mga Senador na maaari silang makasuhan ng dereliction of duty at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act sakaling tumangging mag-convene bilang impeachment court.

Malinaw aniya ang nakasaad sa Konstitusyon na sa sandaling matanggap ng Senado ang mga articles of impeachment mula sa Mababang Kapulungan ay tungkulin nilang simulan agad ang paglilitis.

Binigyang-diin niya ang kahulugan ng salitang “forthwith” o agad-agad na walang dapat maging pagkaantala o paglilihis sa itinakdang hakbang ng batas.

Kalakip ng kanilang inilabas na pahayag ay ang pangangailangang sumunod sa Saligang Batas at igalang ang tamang proseso kaugnay sa impeachment na inihain laban sa Pangalawang Pangulo.

-- ADVERTISEMENT --

Hinikayat rin niya ang publiko na maging mapagmatyag upang masiguro ang pagsunod sa Saligang Batas.