
Ligtas nang nakauwi sa Pilipinas ang 46 overseas Filipino workers o OFWs mula Kuwait at 17 Filipino seafarers na sakay ng M/V Minoan Dignity, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA.
Dumating sa Ninoy Aquino International Airport ang mga OFW mula Kuwait sakay ng Kuwait Airways, habang dumating naman ang mga seafarer sakay ng Emirates.
Ang 17 seafarer ay mga nakaligtas matapos tamaan ng hindi pa nakikilalang projectile ang kanilang barko habang naglalayag sa timog ng Strait of Hormuz noong Agosto 18. Labing-walong Pinoy ang sakay ng barko at nasawi sa insidente ang isang Filipino chief engineer.
Pagdating sa bansa, sinalubong at tinulungan ng OWWA at Department of Migrant Workers ang mga seafarer at OFW, kabilang ang airport assistance at iba pang kinakailangang suporta.
Para naman sa mga OFW mula Kuwait, kabilang sa tulong ang pagkain, financial assistance, pansamantalang matutuluyan, at pamasahe pauwi sa kanilang mga probinsya. Ipagpapatuloy din ng OWWA ang reintegration assistance para sa kanilang pagbangon at muling paghahanapbuhay.










