
Iniharap ng prosekusyon sa impeachment trial ang mga rekord ng 22 baril na nakarehistro kay Vice President Sara Duterte, kabilang ang mga pistola, revolver, rifle at shotgun.
Ayon kay Police Major Jerickson Sangalang ng PNP Firearms and Explosives Office, binubuo ang koleksiyon ni Duterte ng 14 pistols, dalawang revolvers, limang rifles at isang shotgun, na tinatayang nagkakahalaga ng P2.184 milyon.
Samantala, sinabi rin ni Sangalang na may 29 firearms ang asawa ni Duterte na si Atty. Manases Carpio, na tinatayang nagkakahalaga ng P5 milyon.
Dahil dito, lumampas sa 50 ang kabuuang firearms na iniuugnay sa mag-asawa.
Iniharap ang testimonya bilang bahagi ng ebidensiya ng prosekusyon sa Article 2 ng impeachment case, na tumatalakay sa alegasyon ng unexplained wealth at umano’y hindi kumpletong deklarasyon ng mga ari-arian sa SALN.
Gayunman, kinuwestiyon ni Senator-Judge Erwin Tulfo ang direktang kaugnayan ng dami ng baril sa alegasyon ng unexplained wealth, habang nagpahayag din ng katulad na tanong sina Senator-Judges Vicente Sotto III at Juan Miguel Zubiri.









