
Kinuwestiyon ni Senador Robin Padilla ang dating kompanya ng forensic financial analyst na si Atty. Alexander Cabrera dahil sa kaugnayan nito sa MFT Group of Companies, na nahaharap umano sa mga reklamo na umaabot sa bilyun-bilyong piso.
Sa ika-38 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, tinanong ni Padilla si House prosecutor Rep. Chel Diokno kung alam nitong dating pinamunuan ni Cabrera ang Isla Lipana & Co., na nagsilbing independent auditor ng MFT Group.
Ayon kay Padilla, naharap umano ang MFT Group sa mga reklamo kaugnay ng mga tumalbog na tseke at mga pananagutang tinatayang aabot sa limang bilyong piso.
Kinumpirma naman ni Cabrera na nagsilbi siyang chairman ng Isla Lipana mula 2013 hanggang 2021.
Gayunman, sinabi niyang natapos na ang kaniyang termino nang lumitaw ang mga kasong tinukoy ni Padilla.
Ipinaliwanag ni Diokno na, batay sa kaniyang pagkaunawa, ang parent company lamang ng MFT Group ang naging kliyente ng Isla Lipana, habang ang mga subsidiary na umano’y sangkot sa mga problema ay hindi nito pinagsilbihan.
Sa kabila ng mga tanong, iginiit ni Diokno na buo ang kaniyang tiwala kay Cabrera bilang testigo ng prosekusyon.
Binigyang-diin din ni Padilla na hindi dapat madaliin ang impeachment proceedings dahil nakataya rito ang tiwala at boto ng milyun-milyong Pilipino.
Kinumpirma rin ni Cabrera na nakipagkita siya kay dating bise presidente at kasalukuyang Naga City Mayor Leni Robredo noong Disyembre 2025.









