
Umabot na sa 51 Pilipino ang kasalukuyang nakakulong sa Cambodia dahil sa umano’y pagkakasangkot sa online scam, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Ayon kay DMW Undersecretary Felicitas Bay, 23 sa mga Pilipino ay nakadetine sa Battambang habang 28 naman ang nasa Sihanoukville.
Sinabi ni Bay na itinuturing na kriminal na paglabag sa batas ng Cambodia ang pagkakasangkot sa online scam matapos ipatupad noong Abril ang Law on Combating Technology-Based Fraud.
Sa ilalim ng naturang batas, maaaring mapatawan ng parusang pagkakabilanggo mula dalawang taon hanggang habambuhay at multang aabot sa 250,000 dolyar ang mapatutunayang sangkot sa online scam.
Ayon sa DMW, binisita ng mga opisyal nito ang mga nakakulong na Pilipino noong Hunyo 12 at nakatakda ang panibagong pagbisita sa Hulyo 22.
Nilinaw ng ahensya na dadaan pa sa judicial process ang mga detenido upang matukoy kung tunay silang sangkot sa online scam.
Bagama’t tinitingnan ng DMW ang ilan sa kanila bilang mga posibleng biktima ng human trafficking, sinabi ni Bay na itinuturing pa rin silang mga respondent sa ilalim ng batas ng Cambodia habang isinasagawa ang proseso ng korte.
Matatandaang noong Marso ay naibalik sa Pilipinas ang 53 Pilipinong biktima ng human trafficking mula sa Cambodia.
Kamakailan din ay nagbukas ang DMW ng Migrant Workers Office sa Phnom Penh upang mapalakas ang serbisyo at ayuda para sa mga overseas Filipino worker sa naturang bansa.










