
Naniniwala ang 69% ng mga Amerikano na naaapektuhan ng pribadong interes sa negosyo ni US President Donald Trump ang kanyang mga desisyon bilang pangulo, batay sa bagong Reuters/Ipsos poll.
Lumabas din sa survey na 63% ng mga respondent ang nagsabing hindi nararapat ang umano’y pagkita ni Trump at ng kanyang pamilya mula sa cryptocurrency, habang 32% naman ang nagsabing wala itong mali.
Ayon sa resulta, kabilang sa mga naniniwalang naiimpluwensyahan ng business interests ni Trump ang kanyang mga desisyon ang dalawang-katlo ng mga independent voter at siyam sa bawat 10 Democrat.
Maging kalahati rin ng mga Republican ang may ganitong pananaw.
Samantala, itinanggi ng White House ang anumang conflict of interest at sinabing independiyenteng pinamamahalaan ang mga investment ni Trump.
Isinagawa online ang survey mula Agosto 14 hanggang 17 at nilahukan ng 1,166 Amerikanong nasa hustong gulang.










