Hindi bababa sa pitong katao, kabilang ang tatlong bata, sa nasawi matapos tamaan ng drone ang isang mataong beach sa Arkhipo-Osipovka sa Krasnodar region ng southern Russia.

Ayon sa mga awtoridad, umabot sa 40 ang nasugatan, kung saan 17 ang isinugod sa ospital.

Inakusahan ng gobernador ng Krasnodar ang Ukraine ng sinasabing “deliberate strike on civilians,” ngunit wala pang pahayag ang Kyiv tungkol sa insidente.

Sa mga video na kumalat sa social media makikitang bumagsak ang drone sa dalampasigan at sumabog habang maraming turista ang nasa tabing-dagat at naliligo sa dagat.

Hindi pa malinaw kung ano ang target ng drone. Ayon sa ilang ulat, posibleng bumagsak ito sa beach matapos maapektuhan ng electronic jamming o matamaan ng air defense ng Russia.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa mga nasa lugar wala umanong tumunog na siren bago naganap ang insidente. May ilang testigo ang nagsabing nagtago sila sa likod ng mga beach chair habang ang iba naman ay nakarinig ng sunod-sunod na putok bago ang malakas na pagsabog.

Patuloy ang palitan ng long-range attacks ng Russia at Ukraine sa gitna ng nagpapatuloy na digmaan. Sa nakalipas na taon, pinalawak ng Ukraine ang mga pag-atake sa loob ng teritoryo ng Russia na nakatuon umano sa imprastraktura at mga pasilidad na may kaugnayan sa militar ng bansa.