
Binomba ng US ang mga pasilidad ng missile at drone ng Iran, pati na ang radar sa baybayin, bilang tugon sa pag-atake umano ng Iran sa isang cargo ship. Naganap ito sa gitna ng tigil-putukan sa Middle East.
Ayon sa US Central Command, ang strikes ay tugon sa “hindi makatuwirang pagsalakay” ng Iran na lumabag sa ceasefire. Sinabi ng US na ito ay tugon sa pag-atake sa barko na dumadaan sa Strait of Hormuz.
Nabatid na nangyari ang pagpapasabog sa pantalan ng Taherouyeh sa timog Iran kung saan sinisi ni US President Donald Trump ang Iran sa drone strike, at tinawag itong paglabag sa kasunduan.
Una nang nagbabala ang Iran sa mga barko na huwag dumaan sa Strait of Hormuz nang walang pahintulot, ngunit marami pa ring barko ang dumaraan.
Bumaba ang presyo ng langis dahil sa pag-asang magpapatuloy ang daloy ng kalakal.
Samantala, pumirma ng kasunduan ang Israel at Lebanon sa US para sa kapayapaan, bagama’t nagbabala ang Hezbollah na baka magdulot ito ng civil war sa Lebanon.
Sa usaping nuclear, sinabi ng UN nuclear watchdog na kailangan ng mahigpit na sistema ng pag-verify upang matiyak na hindi gagawa ng sandatang nukleyar ang Iran. Sinabi ng IAEA na halos hindi pa nagsisimula ang usapan sa Iran tungkol dito.










