
Aabot sa 8,000 paaralan at anim na milyong estudyante ang naapektuhan ng magkakasunod na bagyo at habagat, ayon sa Department of Education o DepEd.
Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na nasa isang-lima ito ng kabuuang bilang ng mga paaralan sa bansa, ngunit maaari pang madagdagan dahil hindi pa kumpleto ang mga ulat mula sa mga apektadong lugar.
Ayon sa DepEd, nasa 217 paaralan pa rin ang ginagamit bilang evacuation centers para sa mahigit 6,400 pamilya.
Tinatayang P32.69 milyon naman ang kailangan para sa cleaning at clearing operations sa 1,157 paaralan, habang P192.86 milyon ang kailangan para sa pagkukumpuni ng 3,936 paaralan.
Pinakamaraming apektadong paaralan ang naitala sa Ilocos Region, sinundan ng Central Luzon at Cordillera Administrative Region.










