
Kumakalat ang mga wildfire sa paligid ng itinatayong bagong kabisera ng Indonesia na Nusantara, dahilan upang hilingin ng mga awtoridad ang cloud seeding at water-bombing operations para mapigilan ang paglawak ng apoy.
Ayon sa disaster mitigation agency, nasa 73,311 ektarya na ang nasunog sa anim na lalawigan sa Borneo at Sumatra. Sa paligid naman ng Nusantara, tinatayang 400 ektarya ang naapektuhan hanggang Setyembre 2, kabilang ang humigit-kumulang 300 ektarya sa Bukit Suharto Forest Park.
Itinuturing ng mga disaster response team na pinakamahirap sa loob ng isang dekada ang kasalukuyang dry season, na pinalalala ng tinatawag na “super El Niño.” May 53 aircraft nang nagsasagawa ng water bombing at cloud-seeding operations, habang magpapadala rin ng helicopter para tumulong sa mga sunog malapit sa Nusantara.
Samantala, nagsagawa ng Istisqo prayers ang daan-daang Muslim sa Nusantara upang manalangin para sa ulan.









