
Hiniling ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa Supreme Court na aksyunan ang reklamong isinampa noong 2025 laban sa pitong Court of Appeals justices dahil sa umano’y gross ignorance of the law.
Ayon kay Remulla, isinampa ng noo’y Ombudsman Samuel Martires ang reklamo noong Marso 21, 2025 laban sa pitong mahistrado kaugnay ng pag-isyu ng temporary restraining order o TRO na pumigil sa preventive suspension ng walong miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Antique.
Sinabi ni Remulla na wala pa siyang nakikitang public record na umaksyon o nagresolba sa reklamo ang Judicial Integrity Board o ang Supreme Court. Kaugnay nito, nagsasagawa umano ang Ombudsman ng pagsusuri sa mga kasong na-reverse at mga TRO na inilabas sa mga administrative case.
Iginiit ni Remulla na tungkulin ng Ombudsman na ipaalam sa publiko ang mga naturang usapin. Wala pa namang tugon ang Supreme Court sa panawagan.









