
Mariing kokontrahin ng Office of the Ombudsman ang hiling ni dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez na manatili sa hospital detention habang nililitis ang kanyang plunder case.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, hihiling ang mga prosecutor na isang team ng government doctors ang magsuri sa kondisyon ni Romualdez upang matukoy kung kailangan talaga niyang manatili sa ospital o maaari nang gamutin sa labas nito.
Kung mapapatunayang maaari nang pamahalaan sa labas ng ospital ang kanyang mga karamdaman, igigiit ng prosecution na ilipat siya agad sa regular detention facility, gaya ng ibang akusado sa mga non-bailable na kaso.
Naaresto si Romualdez noong Setyembre 7 sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City, araw ding isinampa ng Ombudsman ang ₱7.4-bilyong plunder case laban sa kanya at tatlo pang akusado kaugnay ng umano’y kickback scheme sa mga flood control project.
Nakatakda namang dinggin ng Sandiganbayan sa Setyembre 10 ang hiling ni Romualdez na ipagpatuloy ang kanyang hospital confinement. Inatasan din siyang dumalo sa naturang pagdinig.










