
Planong mamuhunan ng hanggang $375 milyon ang international technology at outsourcing firm na iSON Group sa Pilipinas sa susunod na sampung taon.
Ayon sa Department of Trade and Industry o DTI, $300 milyon ang ilalaan ng iSON Tower para mapalawak ang network nito sa bansa sa hanggang 3,000 telecom towers, na target magtayo ng 300 hanggang 400 towers kada taon.
Samantala, $75 milyon naman ang ilalaan sa tatlong sektor—kabilang ang $50 milyon para sa agro-solar project sa New Clark City, na may 40-megawatt-peak solar facility, $15 milyon para sa digital healthcare at $10 milyon para sa contact center operations.
Inilahad ang mga investment plan sa business meeting kasama sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., DTI Secretary Cristina Roque, Finance Secretary Frederick Go at ICT Secretary Henry Aguda.
Ayon kay Roque, nakikita ng iSON Group ang Pilipinas bilang magandang lugar para mamuhunan dahil sa matatag na ekonomiya, business environment at skilled workforce.










