
Nakatutok na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa mga pampublikong lugar at kalsada sa Metro Manila na inaasahang magiging sentro ng mga kilos-protesta ngayong Lunes, Setyembre 21, sa paggunita sa ika-54 na anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar.
Kabilang sa mga pangunahing idinagdag sa mahigpit na bantay ang ilang bahagi ng EDSA, Chino Roces Bridge (Mendiola), J.P. Laurel Street, Ayala Bridge, pati na rin ang mga pampublikong lugar malapit sa Technological Institute of the Philippines (TIP) Manila, San Sebastian Church, at University of the East (UE).
Bago ang mismong araw ng paggunita, personal na pinangunahan ni NCRPO Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher Abrahano ang walkthrough at ocular inspection sa mga pangunahing kalsada sa Lungsod ng Maynila upang suriin ang seguridad at mga rutang posibleng daanan ng mga demonstrador.
Ayon kay Gen. Abrahano, mahalaga ang maagang inspeksyon sa mga tinukoy na protest sites upang matiyak ang kaayusan ng daloy ng trapiko at ang pangkalahatang kaligtasan ng publiko at ng mga mamamayan.
Pinaalalahanan din ng heneral ang lahat ng ipapakalat na tauhan ng kapulisan na manatiling alerto ngunit mahigpit na igalang ang karapatan ng mga mamamayan sa mapayapang pagtitipon at malayang pagpapahayag ng kanilang saloobin.










