
Bumagsak ang piso at Philippine stocks sa pagsisimula ng trading week matapos umakyat ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dahil nananatiling hindi tiyak ang sitwasyon sa Middle East.
Humina ang piso ng 8 sentimos at nagsara sa P62.545 kada isang dolyar, mula sa P62.465 noong Biyernes.
Samantala, bumaba ng 37.10 puntos o 0.64% ang Philippine Stock Exchange index o PSEi sa 5,788.87, habang lumiit naman ng 0.72% ang All Shares index sa 3,222.72.
Iniuugnay ng mga market analyst ang paghina ng lokal na merkado sa pagtaas ng presyo ng crude oil at pangamba sa posibleng matagal na pagkaantala ng suplay ng langis.
Halos lahat ng sectoral indices ay nagsara sa negatibong teritoryo, kabilang ang financials, industrial, holding firms, services, at mining and oil.
Umabot naman sa mahigit 1.338 bilyong shares na nagkakahalaga ng P5.19 bilyon ang na-trade, kung saan mas marami ang mga bumaba sa presyo kumpara sa mga tumaas.








