
Inilabas ni Reina Mercedes Vice Mayor Atty. Harold Respicio ang mga dokumentong may kaugnayan sa mga proyektong kinukuwestiyon niya dahil sa umano’y kakulangan ng pakinabang sa publiko sa kabila ng pondong inilaan mula sa tobacco excise tax.
Kabilang sa mga proyektong tinukoy ng bise alkalde ang Lagoon Park sa harap ng munisipyo na may nakalaang humigit-kumulang ₱30 milyon, gayundin ang ilang farm-to-market road na ayon sa kanya ay hindi pa lubusang napapakinabangan ng mga magsasaka ng tabako sa bayan.
Kinuwestiyon din ni Respicio ang hindi pa nagagamit na transport terminal, ang coliseum at pampublikong palengke na umano’y kakaunti ang mga umuupa, partikular sa likurang bahagi nito. Kabilang din sa mga binanggit ang isang tulay na may nakikitang pinsala ngunit hindi pa umano naaayos.
Nag-ugat ang isyu sa deliberasyon ng Sangguniang Bayan hinggil sa paggamit ng pondo mula sa tobacco excise tax, na nakalaan para sa mga programa at proyektong pakikinabangan ng mga magsasaka ng tabako sa mga lugar na nagtatanim nito, kabilang ang Reina Mercedes.
Sa naunang sesyon ng konseho, kinuwestiyon din ng bise alkalde ang isang barangay health station sa Barangay Banquero na may nakalaang humigit-kumulang ₱5 milyon. Ayon kay Respicio, hindi pa nasisimulan ang konstruksyon nito sa kabila ng pagkakaroon na ng pondo.
Samantala, hinimok ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro si Respicio na magsampa ng pormal na reklamo sa Office of the Ombudsman o Department of Justice at isumite ang mga dokumentong susuporta sa kaniyang mga alegasyon.
Binigyang-diin ni Castro ang kahalagahan ng ebidensya at masusing beripikasyon upang matukoy kung may mga iregularidad sa pagpapatupad ng mga proyekto at kung may mga opisyal na dapat managot.
Sa ngayon, wala pang pinal na pagtukoy na maituturing na ghost projects ang mga proyektong inilantad ni Respicio. Kinakailangan pa ang beripikasyon sa aktuwal na estado ng mga ito, sa paggamit ng pondo at sa mga kaugnay na dokumento upang matukoy kung may paglabag o iregularidad sa kanilang pagpapatupad.










