Kinansela ni Department of Agriculture Secretary Francis Tiu Laurel Jr. ang sanitary at phytosanitary import clearance ng barkong may kargang imported rice mula Vietnam matapos makatanggap ng impormasyong kuwestiyonable ang naturang shipment.

Ayon kay Laurel, siya mismo ang nag-utos sa Bureau of Plant Industry na kanselahin ang permit kahit patungo na sa Pilipinas ang barkong MV Tay Son.

Batay sa Department of Agriculture, hiniling umano ng importer na Planters Product Inc. ang pagkansela matapos malaman na ang kontrata ay para sa bigas na may 25-porsiyentong broken grains, ngunit 5-porsiyento lamang ang nakasaad sa shipment. Nag-expire na rin umano ang kontrata dahil dapat naihatid ang bigas noong Hulyo.

Dumating ang barko sa Port of Davao noong Setyembre 14 nang walang balidong clearance, at tumanggi umano ang kapitan na pahintulutan ang inspeksiyon. Umalis ito sa Davao noong Setyembre 17 nang walang clearance bago naharang ng Philippine Navy sa karagatan ng Sarangani at dinala sa General Santos City.

Inirekomenda ng BPI na ibalik sa bansang pinagmulan ang bigas. Gayunman, maaari ring kumpiskahin ng Bureau of Customs ang shipment at magpataw ng kaukulang parusa depende sa resulta ng pagsusuri at umiiral na mga patakaran.

-- ADVERTISEMENT --