
Maaaring magsampa ng kaukulang kaso si Vice President Sara Duterte laban sa mga testigong nagbigay ng testimonya laban sa kaniya sa impeachment trial, ayon sa isang law professor.
Ayon kay Adonis Gabriel ng San Beda University College of Law, maaaring magsampa ang Bise Presidente ng kasong perjury o paglabag sa confidentiality kung naniniwala siyang may nagawang paglabag ang mga testigo.
Maaari rin umanong magsampa ng administrative complaint laban sa mga senador-huwes upang masuri kung may nalabag sa karapatan ng depensa sa paglilitis.
Matatandaang tinanggap ng Senate impeachment court ang mosyon ng House prosecution panel na bawiin ang tatlo sa apat na artikulo ng impeachment laban kay Duterte. Naiwan ang alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman, kaugnay ng umano’y hindi buong deklarasyon ng mga ari-arian at hindi pag-divest sa mga interes sa negosyo.
Samantala, sinabi ng kampo ni Duterte na ang pagbawi sa tatlong artikulo ay pag-amin umano na walang sapat na batayan ang mga alegasyon laban sa Bise Presidente mula pa sa simula.





