
Iginiit ni Vice President Sara Duterte na dapat managot si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at mga miyembro ng Kongreso sa pagpasa ng mga pambansang badyet para sa 2024 at 2025, gayundin sa ilang probisyon ng 2026 General Appropriations Act (GAA), na idineklarang unconstitutional ng Supreme Court (SC).
Kasunod ito ng desisyon ng Korte Suprema na kumuwestiyon sa mga iregular na pagtaas sa unprogrammed appropriations na lumampas sa panukalang badyet ng Pangulo.
Sa ilalim ng ruling, idineklarang unconstitutional ang ₱449.5 bilyong dagdag sa unprogrammed appropriations sa 2024 budget, ang karagdagang ₱17.99 bilyon para sa Special Road Fund ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa 2025 budget, at ilang probisyon hinggil sa unprogrammed appropriations sa 2026 GAA.
Ayon kay Duterte, dapat ipaliwanag ni Marcos kung bakit niya nilagdaan ang mga badyet na aniya’y hindi tumutugma sa National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng kaniyang administrasyon.
Samantala, sinabi ng Malacañang na maghahain ito ng motion for reconsideration upang hilingin sa Korte Suprema na muling suriin ang desisyon. Iginiit din ng Palasyo na sumunod lamang ang Pangulo sa umiiral na mga patakaran at batas.









