Posibleng umabot sa ₱20 bilyon ang pagkalugi ng sektor ng agrikultura dahil sa inaasahang Super El Niño, na maaaring makaapekto sa tinatayang 4.6 milyong magsasaka at mangingisda sa bansa.

Sa budget hearing ng Department of Agriculture (DA) sa Senado, nagbabala si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na tinatayang isang milyong metriko tonelada ng produksiyon ang maaaring mawala, habang nasa 350,000 ektarya ng lupang sakahan ang posibleng maapektuhan ng matinding tagtuyot.

Inaasahang pinakamalakas ang epekto ng El Niño mula Enero hanggang Abril ng susunod na taon.

Bilang paghahanda, kabilang sa mga hakbang ng DA ang paglalagay ng solar-powered irrigation systems, pamamahagi ng abono at binhi, pagpapalawak ng maliliit na imbakan ng tubig, at paggamit ng solar-powered paddle wheels upang matulungan ang mga magsasaka at mangingisda.

Naghanda rin ang pamahalaan ng ₱10 bilyong Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk para sa direktang tulong sa mga maaapektuhan.

-- ADVERTISEMENT --

Nakikipag-ugnayan na rin ang DA sa iba pang ahensya upang mapag-ugnay ang mga programa at pondo para sa cash assistance, food packs, at pansamantalang trabaho para sa mga apektadong sektor.