Hinimok ng mga opposition lawmaker sa House of Representatives ang Senate Finance Committee na tugunan ang mga probisyong itinuturing nilang labag sa batas sa panukalang ₱7.2 trilyong pambansang budget para sa 2027, kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na nagdeklarang unconstitutional sa ilang bahagi ng mga nakaraang national budget.

Ayon kina House Deputy Minority Leader Antonio Tinio ng Alliance of Concerned Teachers party-list at Assistant Minority Leader Renee Co ng Kabataan party-list, dapat munang bawiin ng liderato ng Kamara ang pag-apruba sa House Bill 10858. Kung hindi ito mangyayari, maaari umanong alisin ang mga kuwestiyonableng probisyon sa Senado o sa bicameral conference committee.

Kabilang sa mga tinukoy nilang probisyon ang ₱50 bilyong pondo para sa modernization ng Armed Forces of the Philippines at ₱42 bilyong financial assistance para sa local government units, na kapwa inilaan bilang lump-sum appropriations.

Iginiit nina Tinio at Co na kailangang umayon ang 2027 budget sa desisyon ng Korte Suprema upang maiwasang muling ideklarang labag sa Konstitusyon ang ilang bahagi nito.

Samantala, sinabi ni Senate Finance Committee Chairperson JV Ejercito na hindi na praktikal sa ngayon ang pagbawi sa pag-apruba ng Kamara sa panukalang budget dahil posibleng hindi ito maipasa bago matapos ang taon.

-- ADVERTISEMENT --

Sa halip, iminungkahi ni Ejercito na pag-usapan at ayusin ang mga hindi pagkakasundong probisyon sa bicameral conference committee, kung saan pagsasamahin at pagtutugmain ang bersiyon ng Kamara at Senado.

Ayon sa senador, mahigpit na ang iskedyul ng Kongreso dahil sa nalalapit na 49th ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong, gayundin sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.