Pinuna ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga pahayag ng Chinese Embassy sa Maynila sa social media, na tinawag nitong “escalatory and undiplomatic” o nagpapalala ng tensiyon at hindi naaayon sa diplomatikong asal.

Ayon sa DFA, nakasisira sa tiwala ng dalawang bansa ang naturang mga pahayag at nakahahadlang sa pagsisikap na patatagin at pagbutihin ang ugnayang Pilipinas at China.

Binigyang-diin din ng ahensiya na inaasahang kikilos at magpapahayag ang mga diplomat sa paraang angkop sa kanilang tungkulin, lalo na sa paggamit ng social media.

Aktibo nitong mga nakaraang araw ang social media account ng Chinese Embassy sa Maynila sa pagtugon sa mga pahayag ng mga opisyal ng Pilipinas kaugnay ng kontrobersiyal na pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan noong Oktubre 15.

Nag-ugat ang batikos kay Jing matapos niyang sabihing madaling matatalo ng China ang Pilipinas kung gagamit ito ng puwersa, bagama’t nilinaw din niyang hindi ito ang nais ng Beijing at layunin nitong mapanatili ang kapayapaan.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinagtanggol naman ng Chinese Embassy ang ambassador at sinabing inalis sa konteksto ang kaniyang mga pahayag.

Sa kabila ng pagpapanatili ng DFA sa pagpapahalaga nito sa ugnayan ng Pilipinas at China, iginiit nitong hindi naaayon sa matagal nang diwa ng konstruktibong pakikipag-ugnayan ang mga pahayag ng embahada.

Nagbabala rin ang DFA na nakalaan sa pamahalaan ang karapatang magsagawa ng karagdagang hakbang diplomatiko kung kinakailangan.