
Nagsagawa ng tatlong araw na pansamantalang pagtigil sa pagbebenta ng karneng baboy ang mga hog trader bilang protesta sa pag-aangkat ng frozen pork na ayon sa kanila ay nakaaapekto sa lokal na industriya.
Sinimulan ang tinatawag na “pig holiday” nitong Huwebes, kung saan layunin ng mga trader na ipakita ang maaaring maging epekto sa mga pamilihan kapag humina o tuluyang mawala ang lokal na produksyon ng baboy.
Ayon kay Pork Producers Federation of the Philippines chairperson at AGAP Party-list Representative Nicanor Briones, nalulugi umano ang industriya ng ₱350 milyon kada araw, o katumbas ng ₱7,000 kada ulo ng baboy, dahil sa mga inaangkat na frozen pork mula sa ibang bansa.
Gayunman, hindi lahat ng pamilihan ay nakaranas ng kakulangan sa suplay. Nagpatuloy ang karaniwang operasyon sa Balintawak Market at Marikina Public Market, habang hindi rin nakilahok sa tigil-benta ang ilang nagtitinda sa Mangaldan, Pangasinan dahil ayaw umanong mawalan ng suki sa loob ng tatlong araw.
Sa ikalawang araw ng protesta, nakatakdang magdaos ng kilos-protesta ang mga trader sa harap ng Department of Agriculture (DA).
Hindi naman sasali sa protesta ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG). Sa halip, direktang hihilingin ng grupo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa kaniyang mga economic manager ang pagtugon sa problema sa importasyon.
Ayon kay SINAG executive director Jay Cainglet, nasa antas na umano ng Pangulo at ng kaniyang mga economic manager ang pagresolba sa isyu.
Samantala, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na nauunawaan ng DA ang hinaing ng mga hog trader, ngunit limitado ang kakayahan nitong kontrolin ang importasyon dahil sa mga kasunduan sa World Trade Organization at bilateral agreements.
Nakipag-ugnayan na rin umano ang DA sa Tariff Commission upang maibalik ang mga taripa sa imported na baboy. Pinag-aaralan din ng ahensiya ang pansamantalang suspensiyon ng pag-aangkat ng baboy sa loob ng dalawang buwan simula Nobyembre 2026.










