
Patuloy na humihina ang Bagyong #RosalPH habang kumikilos pahilaga-hilagang-kanluran sa silangan ng Taiwan.
Ayon sa PAGASA, inaasahang lalabas NA ng Philippine Area of Responsibility (PAR) Typhoon Rosal bukas ng umaga, October 24.
Sa 11 AM bulletin ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng Rosal sa layong 305 kilometro hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes, taglay ang lakas ng hanging umaabot sa 150 kilometers per hour at pagbugsong hanggang 185 kilometers per hour.
Nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa Batanes at hilagang-silangang bahagi ng Babuyan Islands, habang Signal No. 1 naman sa nalalabing bahagi ng Babuyan Islands, mainland Cagayan, Ilocos Norte at Apayao.
Ayon sa PAGASA, inaasahang magdadala ang Rosal ng 50 hanggang 100 millimeters na ulan sa Batanes mula ngayong araw hanggang bukas ng tanghali, habang posible rin ang malalakas na pagbugso ng hangin sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas at ilang lugar sa Mindanao.
Nagbabala rin ang PAGASA sa posibleng pagtaas ng alon hanggang siyam na metro sa hilaga at silangang baybayin ng Batanes, kaya pinapayuhan ang mga sasakyang pandagat na manatili muna sa pantalan.
Inaasahang patuloy pang hihina ang Rosal at posibleng maging severe tropical storm bukas ng hapon o gabi, bago tuluyang humina bilang tropical storm sa Linggo, October 25.
Samantala, isa pang low pressure area (LPA) ang namataan ng PAGASA sa labas ng PAR, na huling namataan sa layong 2,310 kilometro silangan ng Northeastern Mindanao.
Gayunman, ayon sa PAGASA, maliit ang posibilidad na maging tropical depression ang naturang LPA sa loob ng susunod na 24 oras.










