
Nakahanda na ang isang pangkat ng National Bureau of Investigation (NBI) na magtungo sa Laos upang makipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad at alamin ang mga detalye sa likod ng pagkakasamsam ng malaking kargamento ng shabu.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, hinihintay na lamang nila ang pahintulot ng pamahalaan ng Laos bago ituloy ang misyon, na isinasagawa sa koordinasyon ng Department of Foreign Affairs.
Nilinaw ni Matibag na hindi layunin ng NBI na arestuhin sa Laos ang suspek, kundi alamin kung sino ang nag-book ng kargamento, sino ang nakipag-ugnayan sa mga sangkot at kung sino ang nasa likod ng operasyon.
Plano rin ng NBI na kapanayamin ang naarestong indibidwal sa Laos at ang mga awtoridad na nagsagawa ng pag-aresto upang makakuha ng impormasyong makatutulong sa imbestigasyon.
Ipinaliwanag ni Matibag na isinasaalang-alang ng bureau ang prinsipyo ng territoriality sa batas kriminal, kung saan karaniwang nililitis ang isang krimen sa bansang pinangyarihan nito.
Gayunman, iginiit niyang mahalagang matukoy kung may mga indibidwal sa Pilipinas na posibleng may kaugnayan sa nasabat na droga.










